Panatang Pambakla

Ang tulang ito ay aking nilikha upang gawing personal na pangako sa sarili at sa bansa na ako’y magiging “huwarang nilalang” ng Republika ng Pilipinas. (Nagawa ko ito dahil alam kong ito’y napapanahon. =D)

First posted in my Facebook account June 23, 2010.

PANATANG PAMBAKLA

Ako ay isang bakla
Isinilang sa bansang malaya
Tahanan ng sambayanang maligaya
At may makulay na kultura

Patuloy akong magiging sagisag
Ng isang Pinoy na matatag
Masayahin, palakaibigan
At may malasakit sa kapwang nangangailangan.

Papatunayang karapat-dapat ako
Sa paggalang ng lipunang ito
Magiging mahalagang instrumento
Sa pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao.

Tapat akong magmamahal
Hindi manloloko o magiging taksil
Mananampalatayang taos sa Maykapal
At sa nang-aapi’y hindi papatalo o papasikil.

Ako ay baklang Pilipino
Kakaiba’t natatangi sa mundo
Humaharap sa lahat nang taas-noo.

June 21, 2010 12:20 noon

Huling Araw Bilang Tutubi Sa Gabi

Isang fiction gay story tungkol sa magsisimulang kabanata mula sa isang magtatapos na kabanata ng isang biktima ng lipunan. Enjoy!

HULING ARAW BILANG TUTUBI SA GABI

Sa wakas, ga-graduate na ako… at ito na ang huling araw na rarampa ako sa entabladong bumuhay at lumapastangan sa aking pagkatao sa nagdaang dalawang taon.

Suot ang pinakamamahaling mga damit at ang pabangong may pinaka-“pangmayamang” halimuyak, aking ipagdiriwang ang pagtatapos ng sandali sa aking buhay na ipinagdarasal kong mawalang parang libag kapag kinuskos ng sabon at tuwalya. Kung anuman ang aking kikitain sa natatanging gabing ito’y gagamitin kong puhunan sa paghahanap ng aking bagong kabanata pagkatapos kong makuha ang aking diploma. Desidido na ako… at hindi na mauulit ang gabing ito sa hinaharap…

Narito na ako sa tinuturing kong pinakababoy na tanghalan – ang hangganan ng mga binatang gipit sa pagpapatuloy sa kani-kanilang kinabukasan. Tumingin ako sa orasa’y ala-una na ng madaling araw, ngunit tila kakatwa dahil iilan lang ang tulad kong tutubing lilipad-lipad sa paligid ng Isetann. Tumambay ako sa ibabaw ng Quezon Boulevard Underpass, kung saan pinapanood ko ang mga sasakyang pumapailalim sa lagusang patungo sa direksyon ng Dapitan at España. Ang senaryong ito ay sining sa aking paningin, datapwa’t ayoko nang matanaw itong muli mula sa kinalalagyan kong espasyo. Dalawang minuto pa lang ang lumilipas, habang tumutunghay ng huling sulyap sa tanawing ito, ay naramdaman kong dumating na ang pinakahuling taong aking ‘pasasayahin’ sa paraisong ito…

Excuse me, anong oras na?”

“Ha? Uhm… 1:05 na.”

“Ah… salamat. I’m Tim… uhm. Ikaw?”

Hindi naman umaambon pero buong yabang niyang suot sa ulo ang hook ng kanyang jacket na halos wala nang makita sa kanyang pagmumukha. Hindi naman maaraw, pero tila kumportable siyang magsuot ng shades. Mukhang misteryoso. Tila pamilyar ang kanyang tinig, medyo malaki nga lang ang boses nito.

“Jet.”

“Ah… eh… ano namang ginagawa mo rito?”

“Ginagawa ko? Kung anong ginagawa ng ibang nandito sa Recto ‘pag ganitong oras. Eh ikaw?”

“Ha? Ako?…”

“Sino pa bang kausap ko dito? Hangin?”

“Uhm sorry. Uhm wala naman. Hmmm… magtatanggal lang ng sama ng loob.”

“Makakatulong ba ako d’yan?”

“Hmm… siguro. Uhmm… magkano ba?”

“Huling araw ko na ‘to. Ga-graduate na ako ng college e. Name your price, dude.

“Talaga? Uhmmm sige… sabi mo eh… e… 5,000 pesos? Pwede na ba?”

Nakakabigla. Hindi ko alam kung hindi lang talaga marunong sa mga ganitong transaksyon ang kausap ko, o masyado lang talaga siyang galante? Hindi na ako magrereklamo, OK na yun kahit mukha talaga siyang wirdo. Hindi na ako tumanggi, at sa huling pagkakataon ay gagawin kong muli ang dating gawi. Hindi kami sabay sa paglalakad papunta sa pinakamalapit na SOGO para hindi halatang kostumer ko siya, at ako ang kanyang magiging ligaya.

Nanatili akong nasa likod mula nang pumasok kami sa building ng SOGO hanggang sa makarating kami sa harapan ng gagamitin naming kwarto. Room 412. Binuksan niya ang pinto, binuksan ang ilaw, at nauna siyang pumasok doon. Dahil sa ako naman ang huling pumasok ay ako na rin ang nagsara ng pinto. Nang mapindot ko na ang lock ng doorknob ay biglang bumigat ang aking pakiramdam – napakahigpit ng kanyang yakap at nakasubsob ang kanyang mukha sa aking kanang balikat, tila sumisinghot pa’t parang naiiyak.

Sorry. Eto lang ang alam kong paraan para malaman mong nahuhulog na ako sa’yo.”

Nagulat ako sa kanyang narinig. Bumitiw siya sa akin at tuluyan nang tinanggal ang hook at shades… at mas lalo pa akong nabigla sa aking nakita –

“Timothy?!?”
– si Timothy, ang aking kaklaseng laging inaapi dahil wirdo, mas gustong laging mag-isa. Iilan lang ang nagiging kaibigan niya dahil iilan lang ang nakakaintindi sa kanya – at isa na ako sa mga iyon. Bagamat hindi kami sobrang malapit sa isa’t isa, lagi kong sinisiguro na hindi nila inaasar si Timothy dahil nag-aalala din ako nung minsang nagkasakit siya dahil sa depression. Ilang beses ko ring piniling makipagpareha sa kanya sa mga project namin dahil may mga pagkakataong siya na lang sa lahat ang walang team-up. Nung tumuntong kami ng third year ay naging madalang ang aming pagkikita dahil nag-iba na ang kanyang block. Para sa akin ay naging mabuti yun para hindi na siya apihin ng mga gago kong kaklase. Gayunpaman, masasayang bati at kumustahan ang ginagawa namin kapag nagkikita kami minsan ‘pag lunch o kahit magkasalubong lang sa corridor. At aaminin ko, sa tuwing nasisilayan ko ang kanyang sigla sa tuwing magtatagpo ang aming landas, ay hindi ko mapigilang matuwa – parang excited na masilayang masaya siya kahit hindi ko siya laging nakikita at napoprotektahan. Pero matagal kaming hindi nagkita nitong nakaraang semester dahil naging busy ang lahat sa paggawa ng thesis – at kinarir ko na rin ang pagiging tutubi para makaraos hanggang sa huling taon ko bilang estudyante.

“Teka teka… hindi ko maintindihan… alam mo kung ano ang trabaho ko?”

“Hindi ko naman sinasadyang malaman, Jethro. I’m sorry…

Muli, siya’y yumakap nang mahigpit na tila walang bukas, tila ayaw niya akong pakawalan. Bumilis ang tibok ng aking puso ngunit walang maibigay na dahilan ang aking utak.

“… pero wala akong pakialam kung ito man ang bumubuhay sa’yo, Jethro, dahil wala ka ring naging pakialam kung anong sabihin ng mga classmates natin kapag tinutulungan at dinadamayan mo ako. Ga-graduate ako at ang dahilan nito ay ikaw. Naniwala ka na malakas ako at pinalakas mo ang loob ko para maging tunay na matatag at hindi maging api. Jethro, hindi na ang Timothy na lampa’t wirdo ang makikita mo pag-akyat natin sa graduation stage… at dahil ‘yun sa’yo.”

Muli akong nagulat sa kanyang mga sinabi, at ako’y kanyang napangiti. Tulad niya, ay unti-unti kong nilibot ang aking mga braso sa kanyang baywang at niyakap ko siya nang tulad ng pagkakayakap niya sa akin.

“Ginulat mo ako. Hindi ko akalaing… ako pala ang dahilan… at oo, sa palagay ko’y nagbago ka na… at masaya ako para sa’yo.”

Parang huminto ang lahat nung mga oras na iyon. Ang mga yakap at mga salitang nagmula kay Timothy ang nagbigay sa akin ng mga dahilan para maalala ang aking huling araw bilang isang tutubi sa gabi. Walang nangyari sa amin ni Timothy, bukod sa buong magdamag kaming magkayakap habang natutulog sa kama ng Room 412.

Sa wakas, ga-graduate na ako… at si Timothy. Sa araw ding iyon ay nagbukas ang bagong kabanata ng aking buhay – ng AMING buhay. Lagi niyang pasasalamat na binago ko nang sobra ang buhay niya, pero ngayon, ako naman ang magsasabi ng parehas na mga kataga. Binago niya ang buhay ko, at pinatibok niya nang sobra ang aking puso. Siya ang pinakamalapit kong pinagkukunan ng inspirasyon para isulat ang mga script ng indie film para sa pinasukan kong maliit na production house. At siya – siya lang naman ang direktor ko.

Tuluyan nang nakahanap ang tutubi ng kanyang permanenteng panirahan – at hindi na ito sa madilim na lansangan ng Recto, o sa madidilaw na ilaw na nagbibigay-liwanag sa paligid ng Isetann, o mapuputlang ilaw sa loob ng mga motel. Nami-miss ko man ang Quezon Boulevard Underpass sa gabi na sining sa aking paningin, ay hindi muna ito ang mahalaga. Binigay sa akin ni Timothy ang mga dahilan para makita ang liwanag at magawa ang sariling sining na kaya ko palang magawa.

July 13, 2010 3:45pm Tondo, Manila

LemOrven

In-Love Ka Ba?

Isang dedication o masasabi kong “pasaring ” sa dating sumira ng buhay ko. Hindi ito ang original title, at in-edit ko ang ibang parte na medyo hindi appropriateFirst published online September of 2007. Enjoy!

Sorry for those who cannot understand Tagalog, because it’s too complicated (hahaha!) There are some English phrases and/or sentences, but it’s appropriate to write this today’s blog in Filipino (I dunno why… basta!) And one thing… “Sir” (yeah… it’s you!), hope you understand those messages that I’m going to indicate here…

Kapag confused sa love ang isang tao, mahirap sagutin ng “oo” o “hindi” ang kanyang tanong (“kanya” refers, of course, to your “someone”). Minsan nga, hirap makaintindi ng mga bagay-bagay ang mga taong may ganitong klase ng nararamdaman:

akala mo tama, mali pala…

akala mo mabuti, makakasama pala…

akala mo matino, nakakabaliw pala…

.

“Love conquers all” vs. “Walang assurance na hindi masasaktan kapag na-in love”

Walang pinipiling katayuan sa buhay ang pag-ibig. Kahit sino, kahit anong uri, kahit sa anong pamamaraan, kahit sa anong sitwasyon, mahirap kontrolin ang nararamdaman ng dalawang taong common ang feelings sa isa’t isa. Pero narinig ko sa trailer ng isang pelikula, walang kasiguraduhan na walang magdurusa ‘emotionally’ kapag nagmahal. For me, uber contrasting ang concepts especially to ’same sex’ dahil mahirap ipaliwanag sa mga hindi nakakaunawa ang katayuan mo, Kahit wala pa silang pakialam sa nararamdaman ninyo, you can’t deny na apektado pa rin nito ng magiging relasyon ninyo.

.

“You complete me” vs. “I know I can never be enough”

Nakakatawang marinig para sa akin ang isang taong nagsasabi sa kanyang minamahal na siya ang kumukumpleto sa kanyang buhay. Ewan ko kung bakit ako naa-amaze, pero hirap akong maniwala na isang taong sumulpot lang sa buhay mo at tumagal sa piling mo nang kakaunting panahon sa iyong buhay, ang agad na kukumpleto ng iyong buhay. For others, it maybe understandable because probably, they had some issues of affection from their family. Pero hindi ata ako ganoon…

Oo. Kinumpleto ng isang pagmamahal ang kaanyuan ng isang nagmamahal. Pero ang hindi puwedeng punan nang isang buo ang dalawa namang kulang. All of us are neither perfect, nor complete.

.

And lastly…

.

“Love moves in mysterious ways” vs. “Love hurts”

Tulad ng nasabi ko kanina, kahit sino’y puwedeng magmahal at mahalin. Dagdag ko pa, kahit sinong lider ng ano pang sekta’y hindi makakapigil sa pag-iibigan ng dalawang nilalang. When Nina revived the song “Love Moves In Mysterious Ways”, I reacted in such a way that I was extremely sarcastic/cathartic/with insanity. Yeah, the idea of the song is so true, because I experienced it for so many times. Pero siguro, sa sobrang paglalakwatsa ni Kupido para magpaibig ng dalawang tao, mukhang nakakasakit na siya. Love hurts ‘in mysterious ways, and I think, ‘in oblivious ways’. Mahirap ipaliwanag, pero siguro, sa mga nakakaintindi, alam na alam n’yo kung paano yun. No explanations needed. (hahaha, it’s so unfair…)

.

I’m in love… but I’m not prepared.

You are in love… you are prepared… but what’s the assurance?

Are you willing to forget friendship in exchange of a next level of loving?

.

I neither answer I agree, nor disagreeing… not the right time, I believe. Tama man ang nararamdaman ng ’sinuman’ sa kanyang pagmamahal, pero ang ‘anumang’ nararamdaman, kapg hindi pa oras, maaaring mali… and that’s the true positioning of a serious and real love…

.

September 20, 2007     Tondo, Manila

LemOrven